All The Things I Saw In Kita Kita

ISA.

Isang beses ko palang napanood ang Kita Kita, pero kaya ko pang ulitin ito.

Kapag may nag-aya sa akin. Basta libre. O pwede ring hindi. O baka ayain ko nalang nanay ko mamaya para free.

Dati rati no'ong nasa Cinema One festival pa lamang yung That Thing Called Tadhana, halos tatlong beses ko itong pinanood sa sinehan, kahit nabalitaan kong pinapalabas na ito sa mga pampasaherong bus, at ang full movie pa talaga. Buti nalang mas mura ticket niyon kumpara sa regular na films na showing. Pagkatapos, nung commercial release na, pinanood ko rin ulit sa sinehan nang paulit-ulit. 

Isang paraan ko siguro ito sa pag suporta sa mga pelikula natin, bukod sa pagsusulat tungkol dito, kaya gusto parin gumastos at mapanood ito sa mismong sinehan.

Quickie translation: I have watched the film Kita Kita just once, at least for now, but I'd like to watch it again. My plan is to ask my mother to watch it with me so that I can get a free pass.

 

DALAWA.

Napakaganda at napakagaling ni Alessandra De Rossi. Idol ko siya. Kung magiging aktres ako, gusto ko maging siya. Sa ngayon, dalawa ang paborito kong karakter na ginampanan niya sa pelikula. Bukod kay Lea sa Kita Kita, napamahal ako sa kanya bilang si Cielo sa Sakaling Hindi Makarating ni Ice Idanan.

Naisip ko, napakaswerte niyang aktres dahil ang mga napakahusay na pelikulang ito ang mailalagay sa IMDb profile niya

Quickie translation: Alessandra De Rossi is the best. She's acted in two of my favorite films, and her IMDb profile is already very impressive.

 

TATLO.

[SPOILER ALERT! LAKTAWAN ITO AT MAGPATULOY SA IKA-APAT]

May tatlo akong naiisip na mga pagkakataon kung saan may pagtatapon ng tubig o beer sa mukha ng traydor.

Paborito ko sa Kita Kita ang pagtatapon ni Empoy ng beer sa mukha ng dating nobyo ni Lea na si Nobu, at pati narin sa traydor-sa-lahat-ng-aspetong-babae na wala namang mukhang ihaharap.

Naalaala ko dito si Sul-hee sa Fight For My Way, kung saan nagtapon rin siya ng punong baso ng tubig sa mukha ng malandi niyang katrabaho, na si Ye-jin.

At panghuli, hindi kaya't nag simula ang lahat ng ito sa Bituing Walang Ningning? "Char!" ika nga nila.

Ang sarap panoorin ng mga ito at naiisip ko, laking ginhawa ang nadala nito kina Lea at Sul-hee. Ngunit ni kailanman, hindi ko naman ito pinapangarap na magawa ito sa kapwa ko, kung sa totoong buhay. Kung acting-acting lang, baka pwede pa.

Quickie translation: There are three water or beer-throwing incidents I remember and the one in Kita Kita is a personal favorite.

 

APAT.

Sa Cinema 4 namin ito napanood. Isa pa, apat na linggo atang nabulag si Lea, kung tama ang tantiya ko, dahil mga isang buwan ata naganap ang buong kwento.

Isa rin ito sa mga "fun facts" (na hindi naman gaanong "fun") na natutunan ko sa palabas na ito, na pwede ka palang mabulag pasandali nang dahil sa matinding stress. Ngunit alam rin naman natin na ginamit rin bilang talinghaga ang pagkabulag ni Lea dito. Ika nga ng aking mahal na propesor na si Isabel Kenny †, huwag kang maglalagay ng baril sa pelikula mo kung hindi mo naman ito gagamitin.

Hindi dahil may baril nga sa palabas, napaka PG-13 nga nito kung tutuusin. Talinghaga rin lamang ito sa payo ng aking propesor, na dapat may natatagong layunin ang lahat (at lahat talaga!) ng elementong isasama mo sa storya, mapa-props lang yan, o linya sa dialogo nila. 

Bukod-tanging ito kasi ang napansin ko sa Kita Kita. Walang butas at walang nakakakamot ng ulo sa pelikula, sapagkat nagamit ang lahat ng elemento nang may kahulugan. Kumbaga, lahat ng inaakala nating maliliit na bagay lamang (halimbawa, ang pagbanggit sa repolyo, o bakit pa kaya kailangan sabihin ang napaka-gasgas nang kasabihan tungkol sa isang libong crane na gawa sa papel?), ay magiging parte pala ng isang magandang kabubuan sa kwento.

Quickie translation: We saw the film in Cinema 4.

 

LIMA.

Pito ang laman ng Vienna sausage sa de latang niluluto ko habang sinusulat ito. Ngunit lima lamang ang nakain ko. Sa wika ng iba, “solb” na ako.

Quickie translation: I ate five Vienna sausages while writing this.

 

ANIM.

May isang "anim" na nabanggit doon sa pelikula kung saan napailing ako. Para sa akin, TMI ito ngunit hindi ko rin naman intensyon na magmarunong pa sa magagaling na manunulat ng pelikulang ito, na siya ring makatang direktor nito. Sa isang banda, katawa-tawa rin naman ito kung iisipin.

Clue: Isa ito sa binanggit ni Tonyo noong unang date nila bilang saging siya at puso si Lea.

Quickie translation: In the film, they would enumerate a lot of one to tens, and at one point, I found Tonyo's "six" a bit too much for my taste, but who am I to say that when this film is so beautifully made?

 

Kita Kita Alessandra De Rossi Empoy Sapporo

PITO.

Pito ang letra sa loveteam name nilang AlEmpoy, na bali-balita kong sisikat na ngayon, higit pa sa mga ganap na loveteams na hinahangaan ng madlang kabataan.

“Ang linis ng acting nila,” wika ko sa jowa ko, na kasama kong manood.

“Ano ba yung maduming acting?” tanong niya.

Naku, bahala siya.

Quickie translation: The actors in the film have been coined a loveteam name by fans, AlEmpoy, and it has seven letters.

 

WALO.

1982 nang mailabas ang kantang Two Less Lonely People ng Air Supply, na pinagtugtog ng maraming beses sa pelikula. Sa totoo lang wala akong maisip ilagay rito sa pang-walo, kaya nagsaliksik na lamang ako, at mabuti nalang nahanap ko ang taong 1982, na may kasamang numero na walo. 

Bagamat pang-tanders ang kantang ito, hula ko marami sa ating nanood nito ang na-LSS pagkatapos, at magkakagusto narin sa kanta sa kinabukasan. Isa pa, palakpakan natin ang musikal direktor nito na si Len Calvo.

Quickie translation: I didn't know what to put in this item so I researched and found out that the theme song of Kita Kita was released in 1982. 

 

SIYAM.

Mga siyam na minuto kami nag hintay ng jowa ko bago kumain ng merienda matapos manood. Habang naglalakad, sabik na sabik na akong magdiskusyon kami tungkol sa napanood namin.

Kaso sinabihan niya ako ng “Nood tayo Spiderman!” at nanghina ang mga tuhod ko, bago pa man niyang bawiin at sabihin na joke lang ito.

Quickie translation: We waited a good nine minutes before eating the yummy butter and sugar crepe that we had for merienda, after seeing the film. He suggested that we watch Spiderman and my knees buckled.

 

SAMPU.

10/10 ang mabibigay ko sa ending ng pelikula, maski hindi naman ako dalubhasa sa mga bagay na ito, tulad na lamang ng pagbibigay ng puntos. 

[ SPOILER ALERT! BALIKAN NA LAMANG ITO MATAPOS MAPANOOD NG BUO ANG PELIKULA ]

Para sa akin kasi, hindi ko masabing malungkot ito o di kaya’y trahedya ang pagwakas. Dahil naghiwalay naman sila Lea at Tonyo nang walang pagsisi o pagkukulang sa mga panahong naibigay nila sa isa't isa.

Bilang manonood, mas pipiliin ko sigurong mapanatag sa ginawang pagtanggap ni Lea sa kawalan ni Tonyo sa buhay niya. At higit pa, talagang gumawa siya ng paraan para malagpasan ito. Hindi ba’t hindi naman iyon madaling gawin? Kaya nagagawa kong maging masaya para kay Lea.  

Hindi ko kayang maging malungkot dahil nagpapasalamat akong ganun na lamang nagtapos ang kwento. Maliban sa mga nararamdaman ni Lea na sakit, at marahil, pananabik, aking napagtanto na napapatahan siya ng mga magagandang ala-ala nilang dalawa ni Tonyo. Ang maganda pa, nang binalikan niya ang lahat ng mga lugar kung saan sila nagsama, hinayaan niyang tulungan siya mundo na patuloy mabuhay kasabay ng lahat ng pinagdadaanan niya.

Napanood niyo ba ang pelikula ng Norwegian Wood (may libro rin ito at kanta na napakaganda)? Hindi ko mawari kung dahil ba sa Japan rin ginawa ang Kita Kita, pero sa dulong mga montage, naalala ko dito ang nasabing palabas. Marahil dahil ito sa mga nakakamanghang eksena sa magagandang tanawin ng Japan (kaya't nagsipag akong mag-screencap), kung saan silang dalawa lamang ni AlEmpoy ang naroroon, at solong-solo nila ang mga busilak na mga bulaklak, hangin, ilog, at iba pa.

Naramdaman ko rin ang saglit na pagkalito sa kung ano ang tanging mararamdaman ko ukol sa pagwakas ng kwento. May lungkot talaga, ika nga, may kurot, sapagkat napakasakit nga naman ng mga pangyayari, Kuya Eddie. Ngunit sa isang banda, hindi ko rin kayang iwasan ang ilaw na tumagos sa kadiliman ng lahat ng nangyari, dulot ng pagasa at lakas ng loob ni Lea, ang ating baby dragonfly. 

Quickie translation: While it is, at some points, sad and tragic, I am at peace with the ending and I give it a 10/10. Please watch it.

 

All screencaps are via the Kita Kita full trailer.

 

 

 

SHARE OR SAY SOMETHING ABOUT THIS STORY.